MANILA, Philippines - Joke only lang sa text message!
Ito ang inisyal na resulta ng ipinag-utos na imbestigasyon ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Jesus Verzosa hinggil sa nabuking na text messages sa umano’y P50-M escape plot ng mga Ampatuan, panguna hing suspect sa Maguindanao massacre na nakakulong ngayon sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.
Sa report kahapon ni Director Eugene Martin, Director for Intelligence ng PNP, nabatid na ang palitan ng SMS text messages sa pagitan ng dalawang jail officers na nakatalaga sa Metro Manila District Jail (MMDJ) ay biruan lamang pala ng mga ito.
Kinilala naman ang dalawang jailguards na bantay ng mga Ampatuan na sina SJO3 Angeles Bio at SJO4 Kenneth Quilona.
Ayon sa mga imbestigador, nagpadala ng text message si Quilona kay SJO3 Bio na nagsasabing: “patakasin natin Edoy 50M sama ka Edoy... tig-25M tayo... tinanggap ko na downpayment 10M,” anang text message.
“The reported escape plot was initially determined to be part of a harmless yet unwise joke among the jailguards,” ani Martin matapos maalarma ang PNP sa pagkakadiskubre ng nasabing text message.
Kabilang sa maimpluwensyang angkan ng mga Ampatuan na nasa kustodiya ng nasabing kulungan ay sina dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr., ama nitong si dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr., suspendidong si ARMM Governor Zaldy Ampatuan, dating Vice Governor Akmad Ampatuan, dating Ampatuan Mayor Anwar Ampatuan at dating Maguindanao Officer-in-Charge Sajid Ampatuan.
Ang mga ito ang itinuturong mastermind sa Maguindanao massacre na ikinasawi ng 57 katao kabilang ang 32 mediamen.