MANILA, Philippines - Pinayagan ng Pasig City Regional Trial Court na makapagpiyansa ang isang kandidato sa pagka-alkalde sa Mandaluyong City na inaresto ng PDEA dahil sa kaso ng droga.
Itinakda ni Judge Abraham Borreta ng Pasig RTC Branch 154 ang piyansang P500,000 sa kasong pagtutulak ng iligal na droga at P200,000 naman sa kasong posesyon ng iligal na droga kontra kay Ernest Albert Buan, tumatakbong alkalde sa Mandaluyong City.
Sa pagpapalabas ng naturang desisyon, binigyang-diin ni Borreta ang mahinang mga ebidensya umano na inihain ng panig ng prosekusyon.
Nilinaw rin ng huwes na ang desisyon ay para lamang sa isinampang “petition for bail” ng kampo ni Buan kung saan nangangailangan pa ring maghain ng sapat na ebidensya ang kampo ng prosekusyon upang mapatunayan ang pagkakasala ng akusado.
Dahil dito, malaya nang makakapangampanya si Buan sa Mandaluyong City kung saan haharapin nito sa halalan si incumbent Mayor Benhur Abalos.
Base sa rekord, dinakip ng PDEA si Buan noong Enero 29 sa isang buy-bust operation kung saan nakumpiska ang isang plastic sachet na naglalaman umano ng cocaine sa parking lot ng isang restoran sa Pasig City.