MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ni Quezon City Mayor Feliciano “Sonny” Belmonte Jr. na hindi ngayong panahon ng eleksyon ang tamang oras para pagkalooban ng cost of living allowance (COLA) backpay ang mga empleyado sa city hall na ipinanukala ng city council.
Binigyang-diin ng Alkalde na mas makabubuti na hayaan na lamang ang susunod na Quezon City administration ang mga magdesisyon sa naturang isyu.
Hindi umano dapat na ngayong panahon ng halalan na magdesisyon para mabigyan ng COLA backpay ang mga city hall employees para sa period na November 30, 1989 hanggang Mayo 3, 2004 na ipinanukala ng konseho ng lungsod.
Hindi umano maganda kung ngayon ito ibibigay dahil maaaring mapulaan na politically motivated at maaari rin maakusahan ng electioneering ang nag-author nito.
Mas makabubuti na ang desisyon ukol dito ay ipaubaya na sa sususod na administrasyon sa lungsod.
Maaari din umanong maka-pre-empt ang naturang ordinansa sa Korte Suprema sa pagreresolba nito sa mga nakabinbing kaso sa COLA payments.