4 timbog sa drug-bust ng NBI
MANILA, Philippines - Apat katao kabilang ang isang Italian-American national at isang umano’y dating bodyguard ng pulitiko kaugnay sa pagbebenta ng droga sa magkakahiwalay na entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI), sa Metro Manila, sa ulat kahapn.
Iprinisinta sa media kahapon ni NBI Director Nestor Mantaring ang mga suspek na sina Stuart Albert, 45, dating security officer mula sa Boca Raton, Florida, USA; Jobert Gomba, 45, dating bodyguard ng isang pulitiko ng Las Piñas City; at mag-asawang sina Faisal Disomnong at Marian, kapwa residente ng Phase 2, Talon, Caloocan City.
Sa ulat ni Atty. Ruel Lasala, hepe ng NBI Anti Illegal Drugs Task Force (NBI-AIDTF) at Intelligence Services, si Albert ay naaresto sa Banuyo St., San Antonio Village, Makati City, sa isang food chain naman naaresto sa Baclaran, Pasay City si Gomba habang sa kanilang bahay sa Phase 12 Talon, Caloocan City naman inaresto ang mag-asawang Disomnong.
Nabatid na isang impormante ang nagturo sa dayuhang si Albert na nagtutulak ng tabletang Oxycodone HCL sa mga parukyano nitong mga dayuhan din na ang hang-outs ay sa mga bar sa Makati City. Nasamsam dito ang 84 pirasong Oxycodone HCl tablets na may street value na P20,000.
Sa hiwalay na operasyon, natukoy si Gomba na nagbebenta ng high grade cocaine na nakuha nito mula sa mga narekober ng mangingisda sa Norther Samar.
Narekober kay Gomba ang 135,9401 gramo ng high grade cocaine na nagkakahalaga ng P675,000.
Sa ikatlong operasyon, pinainan ng halagang P100,000 ang mag-asawa matapos matukoy ng mga awtoridad na sila ay nagtutulak ng shabu.
Nang magbenta ang mag-asawa ng 20 gramong shabu sa nagkunwaring buyer kapalit ng P100,000 ay agad silang dinakip sa loob mismo ng kanilang bahay.
- Latest
- Trending