MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon si Manila mayoralty candidate Lito Atienza sa Commission on Elections na isailalim sa full control nito ang lungsod matapos mabunyag na ginagawa sa Manila City Hall ang ilang election returns na mayroong Precinct Count Optical Scan machine numbers.
Ayon kay Atienza, malinaw na mayroong ginagawang pandaraya umano ang kampo ni Mayor Alfredo Lim at Vice Mayor Isko Moreno dahil sa loob mismo ng Electronic Data Processing sa Office of the Mayor ginagawa ang “ready counted ballots” na mayroon na ring PCOS number.
Bukod sa Comelec full control, hiniling din ni Atienza kay Comelec Chairman Jose Melo na idiskwalipika si Lim dahil sa paglabag nito sa election law at maituturing na ring isang criminal offense ang ginagawa nito gayun din na dapat na gawing manu-mano ang bilanganan sa Maynila upang maiwasan ang pandaraya.