Car painter tinodas ng stepson

MANILA, Philippines - Isang car painter ang patay matapos ataduhin ng saksak ng kanyang stepson dahil sa simpleng pagtatalo nang tumanggi ang huli sa utos ng una na magluto ng kanilang hapu­nan sa Brgy. Batasan, Quezon City kamakalawa.

Kinilala ang nasawi na si Freddie Sanchez, 43, binata, ng C-14, Kagiti­ngan St., Bata­san Hills.

Mabilis na tumakas ang suspek na si Martin Cal­vadores, 20, helper, ng nasabi ring lugar.

Ayon kay SPO2 Neil Garnace, may-hawak ng kaso, ang simpleng pagta­talo kaugnay sa pagluluto ng kanilang hapunan ang naging ugat upang mauwi ito sa pananaksak na siyang agad na kinasawi ng biktima.

Nangyari ang insidente sa kanilang compound sa may ikalawang palapag ng kanilang tahanan sa may Kalayaan St., C-14 corner Kagitingan St., Brgy. Ba­tasan bandang alas-8 ng gabi.

Bago nito, nang mag­kita ang dalawa sa ka­nilang bahay ay inutusan ni Sanchez ang suspek na magluto ng kanilang pag­kain ngunit tumanggi ang huli.

Dahil dito, nagalit ang biktima sanhi upang ma­uwi ito sa mainitang pagta­talo hanggang sa bumaba ng ground floor ang una at hinamon ng suntukan ang anak-anakan.

Sa paghahamon ng bik­tima ay lalong ikinagalit ng suspek at nagtungo ito sa kanilang kusina saka du­mampot ng patalim bago mabilis na nilusob ang una at pinagsasaksak.

Bagama’t sugatan ang biktima ay nagawa pa ni­tong makatakbo sa bahay ng kanilang land lady na si Daisy Tolentino para humingi ng tulong.

Nagawa pang ma­itakbo ng mga residente ang biktima sa may Fair­view General hospital ngunit, dahil sa natamo nitong saksak sa likod, sikmura at kanang siko ay idineklara din itong patay.

Show comments