MANILA, Philippines - Hiniling ni Quezon City Mayor Feliciano “SB” Belmonte Jr. sa mga ahensya at departamento ng gobyerno na may kinalaman sa gaganaping halalan sa Mayo 10 na siguruhing mapayapa at maayos ang gaganaping eleksyon sa bansa laluna sa lungsod. Dahil dito, inatasan ni Belmonte ang Quezon City Police District at QC Division of City Schools na plantsahin na ang lahat ng nakikitang gusot na maaring maging sanhi ng problema sa kauna-unahang automated election ng bansa.
Ang kautusan ni Belmonte ay bunsod na rin ng pag-amin ng QCPD na kulang ang may 2,000 mga pulis upang magbantay sa Mayo 10 lalo pa na 24-oras ang duty ng bawat pulis na itatalaga sa may 1,281 clustered precinct ng lungsod.
Sa ngayon, humiling na ng karagdagang puwersa ang QCPD sa Regional Police Security Mobile Battalion at National Capital Region Command.
Inatasan rin ng alkalde ang QCPD na makipag-ugnayan na rin nang maaga sa pangasiwaan ng may 36 na gym, covered court, at multi-purpose hall na gagamitin sa halalan.
Tiniyak naman ng QC Division of City Schools kay Belmonte na handa na ang mga guro sa kanilang tungkulin sa halalan.