MANILA, Philippines - Napatay ng mga tauhan ng Manila Police District-Station 3 ang tatlong pinaniniwalaang mga holdaper na armado ng mga baril at granada matapos ang maikling habulan at palitan ng putok kaugnay sa paghoholdap ng mga ito sa isang babae sa Sta. Cruz, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Agad na nasawi ang isa sa suspek na alyas “Jonathan”, nasa 25-30 anyos; may tas na 5’6’’ hanggang 5’7’’, nakasuot ng pulang t-shirt at itim na maong pants at may tattoo sa hita. Siya ang may hawak ng isang granada na nadaganan pa niya nang bumulagta nang masapul ng tama ng bala mula sa mga pulis.
Idineklarang patay naman sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang kasamahang nagtamo ng mga bala sa katawan na sina alyas “Kokoy”, may taas na 5’6’’ hanggang 5’7’’, may edad sa pagitan ng 25-30 anyos, nakasuot ng puting long sleeves, khaki short pants, mahaba ang buhok at isa pang may edad na rin na 25-30 anyos, may taas na 5’6’’-5’7’’, nakasuot ng puting t-shirt at maong pants.
Kabilang sa mga rumespondeng pulis na nakasagupa ng mga holdaper sina PO3’s Froilan Lopez, at Catalino Cunanan; PO2’s Ruel Lester Santos, Ryan Malacad; Gregorio Lopez at Merlan Tadili, pawang nakatalaga sa MPD-Station 3.
Sa ulat ni Det. Jay Santos ng Manila Police District- Homicide Section, dakong 1:20 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa harapan ng isang bodega sa 1665 Mayhaligue St., Sta. Cruz.
Nauna rito, hinoldap ng mga suspek ang negosyanteng si Jocelyn Arbuyes, 41, ng 191 Quezon Blvd., Sta Cruz habang sakay siya ng motorsiklo sa kahabaan ng C.M. Recto Avenue, patungo sana sa isang food chain nang harangin ng mga suspek na sakay ng puting taxi.
Lumabas ng taxi ang isa sa tatlong suspek at agad na tinutukan ang biktima ng baril at puwersahang inagaw ang kaniyang itim na shoulder bag bago sumakay muli ng taxi at tumakas.
Dahil nakamotorsiklo ang biktima, agad niyang inireport sa mga nagpapatrulyang pulis ang insidente kaya agad na hinabol ang mga suspek na inabot sa Mayhaligue St..
Nang lalapit pa lamang ang mga pulis, agad na naglabas ng baril ang mga suspek hanggang sa nagpalitan ng mga putok kung saan agad na bumulagta ang mga ito.
Hindi na ginalaw ng mga pulis si Jonathan sa halip na dalhin din sa pagamutan dahil sa pangamba ng mga awtoridad na sumabog ang hawak nitong granada.
Nakuha sa mga suspek ang isang itim na shoulde bag na naglalaman ng P11,000 cash, isang MK2 fragmentation grenade, isang sumpak at isang kalibre 38 (Smith and Wesson).