MANILA, Philippines - Isang aplikante sa isang trabaho ang nagpatiwakal sa pamamagitan ng pagbigti sa sintas ng sapatos kahapon ng umaga dahil sa pagkabigo niyang makalikom ng pera para makapunta sa ibayong-dagat.
Nakilala ang biktima na si Rolando Garin, tubong Cagayan at nanunuluyan pansamantala sa isang transient house sa Malate, Manila.
Natagpuang nakabigti ang bangkay ni Garin sa isang banyo ng transient house sa 956 San Andres St., Malate.
Dakong alas-8:00 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng biktima ng isa pang boarder.
Sa naging pahayag ng isang Evelyn Magsayo, boarder, una umanong natakot siya sa nakitang nakatayong lalaki sa loob ng CR dakong alas-3:00 ng madaling-araw kaya nagtatakbo siya papasok ng kaniyang silid at nagsara ng pinto.
Bandang alas-8:00 ng umaga, sa paggising niya ay sinilip ulit ang CR at nakita niya muli ang biktima na nakatayo pa rin at inakala niyang sina sapian ng masamang espiritu dahil hindi tumitinag.
Kumuha umano siya ng dalawang rosary bilang pangontra umano sakaling sinasapian ng masamang espiritu ang boardmate.
Subalit maya-maya ay napansin na niya umano na nakabitin pala ito sa sintas ng sapatos na hindi niya napansing nakapulupot sa leeg ng biktima.
Sabi pa ni Magsayo na ang alam niya ay makakaalis na patungo sa Malaysia sa Abril 29 ang biktima subalit problema pa umano nito na punuan ang kakulangang P30,000. sa placement agency.
Kamakalawa ng hapon ay nagkwento rin umano ito na kailangang umuwi siya sa Cagayan para makautang ng P30,000.