Binay hinamon
MANILA, Philippines - Hinamon kahapon ng isang anti-graft group si Makati City Councilor Jun-Jun Binay na ibunyag sa madla ang pagkakakilanlan sa umano’y mga politikong protector ng night clubs na nagbebenta ng aliw at pasugalan ng on-line casino para sa ikadadakip at masugpo ang naturang laganap na krimen sa lungsod.
Isiniwalat ni Makati City Vice Mayor Ernesto S. Mercado na ang nakakakilala sa mga sinasabing protector ng naturang krimen ay sina Konsehal Binay at isa umanong Ferdie Eusebio na malapit daw na tauhan ng alkalde ng Lungsod ng Makati.
Ayon kay Christian Pastor Manuel Matias, Presidente ng Center for Anti-Graft and Corruption Prevention, Inc., nararapat lamang bigyan ng mukha ang mga kriminal sa likod ng prostitusyon at illegal casino on-line gambling dahil sila ay mga opisyal ng lungsod, maliban sa kanilang moral at legal na responsibilidad sa mamamayan at city taxpayers na sawatain ang naturang anomalya at krimen.
Sinabi pa ni Matias na ang kanilang panawagan ay nag-ugat sa nalathalang pagsisiwalat ni Mercado kaugnay sa pagkakaroon ng ‘pervasive sex trade and untouchable illegal on-line casino gambling operations’ sa lungsod na siyang ugat umano ng matinding corruption at moral bankcruptcy ng kasalukuyang administrasyon sa Makati.
Noong nakaraang linggo, isiniwalat ni Mercado na ang mga protector ng mga naturang krimen ay kumikita ng daan-daang milyon buwan-buwan at yumayaman ng walang kahirap-hirap at nagdudulot ng malawakang corruption at nagiging ugat ng pagkasira ng lipunan.
- Latest
- Trending