MANILA, Philippines - Muli na namang pinagharap ng kasong katiwalian at malversation of public funds sa Ombudsman si Manila Mayor Alfredo Lim kaugnay sa umanoy “ghost cheeseburger”.
Base sa 13 pahinang reklamo ni Atty. Reynaldo Bagatsing, sinabi nito na malinaw na lumabag umano sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Local Government Code si Lim nang makipagsabwatan,umano ito kasama ang iba pang opisyal ng lungsod na sina Manila City Hall Secretary to the Mayor Atty. Rafaelito Garayblas, City Hall officials Atty. Analyn Marcelo-Buan, Maria Lourdes Manlulu, Cherry Chao, Cecilia Sican, Leanie Sanding at Vicky Valientes para palabasin na bumili ito ng cheeseburger para naman sa isang pagtitipon.
Sinabi ni Bagatsing na nagsabwatan umano ang mga respondent nang palsipikain umano ang resibong ipinalabas ng Angel’s Burger House at palitawing inilunsad ng Manila Barangay Bureau ang Barangay Peace Keeping Action sa lahat ng barangay sa Maynila noong Agosto 27, 2009.
Ang nasabing resibo ay ipinasok naman sa disbursement voucher na may petsang October 29, 2009 subalit ang katotohanan ay wala nang biniling 5,500 piraso ng cheeseburgers at wala ding pagtitipon na naganap. Matapos mapeke ang dalawang resibo na galing diumano sa Angel’s Burger House ay nakapaglalabas ng pondo ang City Treasurer of Manila na nagkakahalaga ng P221,250.