MANILA, Philippines - Napatunayan ngayon ng Southern Police District (SPD) na malaki ang naitutulong ng mga ikinabit na “closed circuit television camera” ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) makaraang dalawang holdaper ang hindi na makapalag sa pag-aresto ng pulisya bunsod ng video footage laban sa kanila, sa Pasay City.
Nakilala ang mga inaresto na sina Adrian Ramos, 24, tricycle driver, at Noli Chavez, 24, kapwa ng Pasay City.
Sinampahan ang mga ito ng kaso ng biktimang si Michell Real, 25, call center agent.
Sa ulat ni Real sa Pasay police, hinoldap siya ng dalawang suspek nitong Abril 16 ng madaling araw habang naghihintay ng masasakyan sa F. Fernando Street, ng naturang lungsod. Tinangay ng mga suspek ang P20,000 cash, cellphone, gintong kuwintas at hikaw.
Muli namang naispatan ni Real si Ramos sa paradahan ng tricycle habang nakapila ito na nagresulta sa kanyang pagkakadakip. Sa loob ng presinto, itinanggi pa ni Ramos ang akusasyon laban sa kanya ngunit nasupalpal ang kasinungalingan nito nang ipanood sa kanya ang video footage buhat sa CCTV camera sa naturang lugar ng aktuwal na hinoholdap nila si Real.
Hindi naman nahirapan ang pulisya na dakpin pa ang kasama ni Ramos na si Chavez nang personal pang magtungo sa PCP 3 upang dalawin ang kasama matapos mabalitaan na hinuli ng mga pulis.