Mag-live-in na sinalvage, pinaghinalaang informer
MANILA, Philippines - Naglunsad ng manhunt operation ang Taguig City police upang madakip ang isang kilabot na kriminal na itinuturo ngayon na utak sa pag-salvage sa mag-live-in na ibinalot sa tarpaulin at sirang air bed na pinagkamalan umanong “police informer”.
Itinuro ng mga kaanak ng mga biktimang sina Jimboy Salditos, 20; at kalive-in na si Angeline Ann Cuison, 19, ang suspek na si Mark Anthony Sorbito na siyang may kagagawan umano sa naturang krimen.
Sinabi ni Taguig police chief, Sr. Supt. Camilo Cascolan na nahaharap sa mga kasong murder, robbery hold-up, coercion at arbitrary detention si Sorbito sa iba’t ibang korte dahil sa kanyang mga nagawang krimen.
Ayon pa sa mga kaanak ng mga biktima, pinaghihinalaan umano ni Sorbito ang mag-live-in na mga police informer at kamakailan lamang ay nagbanta pa sa dalawa na may masamang mangyayari sa mga ito.
Sa ginawa namang imbestigasyon ni PO2 Christopher Flores ng Station Investigation and Detective Management Section ng Taguig police, may dalawa umanong lalaking naka-motorsiklo ang nagtungo sa bahay ng mga biktima noong Martes ng gabi at nagpapatulong na ibenta ang dala nilang laptop kapalit ng pagbibigay sa kanila ng porsiyento.
Umangkas umano ang mag-live-in sa dalawang motorsiklo upang dalhin ang mga ito sa kilala nilang buyer ng laptop subalit hindi na nakauwi ang mga ito hanggang matagpuan na ang bangkay sa gilid ng C-5 Road na may mga tama ng bala sa katawan.
- Latest
- Trending