MANILA, Philippines - Nabiktima ng “Basag Kotse Gang” ang alkalde ng Lemery, Batangas makaraang matangay sa kanyang sinirang sasakyan ang malaking halaga ng salapi, at mga mahahalagang gamit kabilang ang dalawang baril sa tapat ng isang restoran, kamakalawa ng gabi sa Pasay City. Nakilala ang nabiktima na si Mayor Eulalio Alilio, 47, na natangayan ng P80,000 cash, 2 baril, isang LG cellphone, isang laptop computer, mga tseke at iba’t ibang dokumento.
Sa ulat ng Pasay police, dakong alas-7:30 ng gabi nang iparada ni Alilio ang kanyang Ford Expedition (ESL-444) sa tapat ng Hong Tai Yong Restaurant sa may Macapagal Avenue, ng naturang lungsod upang kumain kasama ang kanyang pamilya. Nang balikan ang sasakyan, basag na ang salamin nito at nawawala na ang mga mahahalagang gamit na kanilang iniwan sa kotse.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Cesar Gomez, 32, bartender, napansin niya ang isang kulay puting van na pumarada sa tabi ng Expedition at bumaba ang isang grupo ng mga lalaki na may kasamang babae at nagkunwaring kakain rin sa restoran.
Nagtaka umano si Gomez kung bakit ang babae lamang ang pumasok sa restaurant na pinagbuksan pa ng pintuan ng security guard na nakatalaga rito subalit hindi man lamang tiningnan ang iba’t ibang uri ng pagkain at sa halip ay nagparinig na wala pala siyang dalang pera at kaagad ding lumabas.
Napansin umano ni Gomez na sumakay sa puting van ang babae at nagmamadali ng tumalilis ang mga ito bago pa man matuklasan ng security personnel ng alkalde na si PO2 Eugenio Ilagan ang pagkabasag ng dala nilang sasakyan.