Nasawing misis ng pulis, biktima ng 'Ipit-taxi'
MANILA, Philippines - Malaki ang paniniwala ng Manila Police na ang notoryus na ‘Ipit-taxi gang’ ang nasa likod ng pagkamatay ng maybahay ng isang pulis-Maynila na teller sa isang banko, na natagpuang nakabulagta sa Elliptical Road, sa Baseco Compound noong Lunes ng hatinggabi.
Dahil dito, nagbabala ang pulisya sa publiko na dapat maging maingat sa pagpili at pagsakay sa mga taxi na may modus-operandi na pasukin ang nag-iisang pasahero ng mga kasabwat ng driver at kadalasang automatic ang lock ng pinto ng taxi.
“Iniipit nila ang pasahero na bibiktimahin, hoholdapin at kung pumalag saka pinapatay. Ang control kasi ng automatic na lock ng taxi, nasa driver kaya walang magagawa ang pasahero kung bubuksan ang lock, sa oras na sasakay na ang mga kasabwat na ‘Ipit-taxi gang’,” anang pulisya.
Sa dalawang araw na isinagawang follow-up operation, kasama sa tumutugis sa di-kilalang mga suspek sa pagpatay kay Jennifer Lugtu, ang mister nitong si PO2 Jovan Lugtu, ng MPD-Station 4.
Nakita sa pagsusuri na sinakal si Lugtu na siyang naging dahilan ng kamatayan nito, bago itinapon sa madilim na bahagi ng nasabing kalye.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa kaso.
- Latest
- Trending