Karambola ng 3 sasakyan: 3 sugatan
MANILA, Philippines - Tatlo katao ang iniulat na nasugatan nang magkarambola ang tatlong sasakyan sa isang kalye sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Dahil dito nagdulot ng sobrang trapik sa ilang bahagi ng kahabaan ng EDSA matapos na humambalang dito ang nagkarambolang mga sasakyan.
Ayon sa ulat, natukoy ang mga sugatang biktima na sina Andres Cruz, 41, driver ng Mitsubishi Fuso Fighter (XJP-526); at mga pahinanteng sina Joselito Dimal at Edilberto Caranaz; mga empleyado ng Dolometrix Phils.
Sa lakas ng pagkakabang ga ang mga nasabing biktima ay naipit sa kanilang sinasakyang delivery van kung kaya kinakailangan pang gumamit nang mga rescue team ng hydraulic equipment para maputol ang mga bakal na umipit sa kanilang mga katawan.
Tumagal ng halos 2 oras bago tuluyang naialis sa pagkakaipit ang naturang mga biktima.
Natukoy naman ang mga nakabanggaan nitong mga sasakyan na isang Fuso cargo truck (TEV-384) na minamaneho ni Luis Garcia, 49; at Isuzu dump truck (CTJ-346) na pinaandar naman ni Roger Doctolero, 31.
Naganap ang insidente alas-5 ng umaga sa may EDSA sa Brgy. South Triangle sa lungsod.
Diumano, kapwa binabaybay ng tatlong sasakyan ang lugar galing sa direksyon ng Quezon Avenue patungong Timog Avenue nang pagsapit sa Edsa binundol ng Isuzu dump truck ang huling bahagi ng cargo truck, bago tuluyang bumundol dito ang Mitsubishi Fuso.
Sa lakas na pagkakabangga ng Mitsubishi Fuso sa dump truck ay halos nayupi ang harapang bahagi ng una sanhi upang maipit ang naturang mga biktima.
- Latest
- Trending