MANILA, Philippines - Nagpatupad kahapon ng P.50 sentimos na rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo ang mga pangunahing kompanya ng langis sa bansa.
Kabilang sa nagsagawa ng rollback ang Petron Corp., Chevron Philippines, Phoenix Petroleum, Seaoil, Eastern Petroleum at Jetti.
Sa kabila ng pagtanggi na walang nagaganap na kartel o monopolya sa presyo ng langis, pawang mga produkto lamang ng gasolina (regular, premium at unleaded) ang ibinaba ng P.50 sentimos ng naturang mga kompanya.
Matatandaan na mula noong Marso ay tatlong beses nang nagpatupad ng oil price hike ang mga kompanya ng langis na aabot sa total na P2 kada litro. Nagtaas ang mga ito ng P1 kada litro noong Marso 3, sinundan ng P.50 noong Marso 9 at pinakahuli nitong Abril 6 na P.50 kada litro.
Samantala, mariing kinondena ng militanteng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ang naganap na 50 sentimos na rollback sa presyo ng gasolina at walang bawas presyo sa halaga ng diesel.
Sinabi ni George San Mateo, Secretary General ng Piston, balewala lamang at walang epekto sa kanila ang kakarampot na 50 sentimos bawas presyo ng gasolina
Aniya, ang kakarampot na oil price rollback ay epekto ng matinding pressure na idinulot ng matagumpay na transport caravan ng Piston sa Mendiola. Tahasan namang ipinaabot ng Piston sa pamahalaan na dapat ay big-time rollback na P8 ang ipatupad ng mga oil companies upang maibsan ang hirap ng mga tsuper sa bansa.