MANILA, Philippines - Walang nagwagi sa duwelo ng magkaibigang nagsimula sa masayang inuman na nauwi sa patayan, sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Kapwa idineklarang patay sa magkahiwalay na ospital, ang magkaibigang sina Manuel Geli Jr., 48, balo ng Interior 15, Bougainvilla St., Torres Bugallon, Tondo at Norman Canete, 28, ng naturang lugar.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente sa pagitan ng alas-2:30 hanggang alas-3 ng madaling-araw sa isang eskinita sa T. Bugallon, St., Tondo.
Nabatid na ang dalawa ay kainuman ng isang Peter Lim, 45, sa nasabing lugar at sa kalagitnaan ng kanilang pag-iinuman ay nagtalo ang dalawa na nauwi sa kanilang pagsusuntukan.
Naawat naman sila ni Lim habang umuwi si Canete at nagbalik na armado na ng di nabatid na kalibreng baril.
Nang mapuna ni Geli na dinikitan siya ni Canete, naglabas na din umano ito ng nakatagong baril at saka nag-duelo hanggang sa kapwa bumagsak dahil sa mga tinamong tama. Kapwa isinugod sa hiwalay na pagamutan ang dalawa na kapwa hindi na umabot pang buhay.