Tauhan ni Gen. Tanigue inireklamo
MANILA, Philippines - Dumagsa ang serye ng reklamo mula sa iba’t ibang entertainment club sa mga lungsod ng Quezon, Caloocan, Pasay, Parañaque, Pasig at Las Piñas kaugnay ng modus operandi ng isang pulis ng Women’s and Children Protection Center-Criminal Investigation and Detection Group na nakabase sa Camp Crame. Ilan sa mga reklamo laban kay PO3 Gilbert Pilapil na sinasabing pamangkin ni General Yolanda Tanigue ay ang pangingikil ng malaking halaga sa iba’t ibang entertainment shop kada linggo kung saan ginagamit pa ang pangalan ng kanyang opisyal na si Gen. Tanigue. Nabatid na kapag pumalag ang isa sa nilapitang officer-in-charge ng entertainment club sa kahilingan ni PO3 Pilapil ay magsasagawa ito ng biglaang pagsalakay kasama ang composite team ng DIDM sa Southern Police District (SPD) at ang mga tauhan ng International Justice Mission (IJM). Dahil sa operasyon ni PO3 Pilapil na kahalintulad sa isang club sa Roxas Blvd. ay ipinakita nito ang kanyang bangis kaya napipilitan ang mga club sa kahilingan nito sa takot na maistorbo ang kani-kanilang negosyo. Sinasabing bukod sa pansariling kapakanan ay isinasangkalan pa ni PO3 Pilapil ang ilang opisyal ng pulis sa Camp Crame partikular na si Gen. Tanigue. Sa kasalukuyan ay hindi naman makontak si PO3 Pilapil para ipaliwanag ang kanyang panig kaugnay sa nabanggit na reklamo.
- Latest
- Trending