MANILA, Philippines - Dalawang dayuhan na sangkot sa pagbebenta ng illegal drugs ang nadakip ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa magkahiwalay na operasyon.
Kinilala ang mga suspect na sina Franklin Onukogu, Nigerian national, at Lim Ting Chong, isang Malaysian.
Ang pagdakip sa mga suspect ay bilang aksyon ng ahensiya para mapuksa ang laganap na miyembro ng international drug syndicates na nag-ooperate sa bansa kung saan kabilang ang mga ito.
Unang nadakip ng PDEA Special Enforcement Service (SES) sa BF Resort Village sa Las Piñas City si Onukogu matapos na magbenta ito ng apat na sachets ng cocaine sa isang buy bust operation.
Si Onukagu ay miyembro ng West African Drug syndicate na pinaniniwalaang responsable sa pagre-recruit ng Pinoy para maging drug couriers.
Kabilang din si Onukogu sa African Iboe Tribe na umano’y pinakamalaki at maimpluwensyang ethnic groups sa Nigeria. Siya din ay pinuno ng African Iboe Tribe Organization sa ating bansa.
Samantala, si Chong naman ay naaresto sa may terminal ng Ninoy Aquino International Airport nitong April 14, 2010 matapos na makuhanan ang bagahe nito galing sa Kuala Lumpur Malaysia ng 14 na kilo ng shabu.