MANILA, Philippines - Magpapatupad ngayong Lunes ng malawakang paglilinis ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority sa kalakhang Maynila laban sa mga iligal na mga campaign posters at tarpaulins na ikinabit sa mga ipinagbabawal na lugar.
Sinabi ni MMDA General Manager Robert Nacianceno na dakong alas-8:00 ng umaga magsisimula ang may 1,000 nilang tauhan sa pagsuyod sa Metro Manila kasama ang mga tauhan ng Commission on Elections at Philippine National Police.
“Didisiplinahin namin ang mga kandidato sampu ng kanilang mga supporters. Dahil kung hindi ay mababalewala ang mga batas at regulasyon,” ani Nacianceno.
Bukod sa pagpapatupad ng common poster area regulation ng Omnibus Election Code, ang paglilinis sa Metro Manila ay bahagi rin ng programa ng MMDA para makiisa sa selebrasyon ng Earth Day.