Makulit na panadero tinodas

MANILA, Philippines - Namatay ang isang 24 anyos na panadero nang pagtulungang sak­sakin ng kanyang mga kasamahan na umano’y nainis sa kanyang ka­kulitan habang lango sa alak sa Barangay Nag­kaisang Nayon, Nova, Quezon City kama­kalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Dennis Francisco, 24, binata, stay-in sa Bulan’s Bakery Store sa 19 Damong maliit St., Queensland Subdivision, Barangay Nagkaisang Nayon.

Pinaghahanap na­man ng pulisya ang mga suspek na sina Mario Tito, 27, binata; at isang alyas Ar-jay, may-asawa, pawang kasamahan ng biktima sa trabaho.

Nauna rito, lasing na nang dumating si Francisco sa Queensland Bakery para magreport sa trabaho.

Naabutan ni Francisco sina Tito aty Ar-jay na nagsisimula nang mag­trabaho. Dahil lasing, sinabihan ang biktima ng mga suspect na matulog na lang kung kaya iniha­tid nila ang una sa isa pang branch ng pana­derya, ang Bulan’s Bakery­.

Ayon kay Bonna Mules, kahera ng bakery, nakita niyang dumating ang tatlo sa kanilang panaderya ganap na alas-8:40 ng gabi kung saan inalalayan ng mga suspek ang biktima sa unang palapag dito para magpahinga.

Ilang minuto ang lumi­pas, narinig na lamang umano ni Mules ang ka­tagang “Pre huwag.. huwag.” mula rito hang­gang sa puntahan niya kung saan nakita niya ang duguang katawan ng biktima na nakahan­dusay sa lapag.

Dahil dito, agad na tumakbo papalayo si Mules at iniwan ang bik­tima at dalawang suspek sa nasabing lugar saka tumawag ng saklolo sa otoridad. Mabilis namang tumakas ang mga sus­pek matapos ang nasa­bing insidente.

Show comments