MANILA, Philippines - Isang duktor ng Philippine General Hospital ang nanapak at nanipa umano sa bantay ng isang pasyente sa loob ng emergency room ng PGH sa Ermita, Maynila nitong Miyerkules, base sa reklamong inireport kahapon.
Sa idinulog na reklamo kay C/Insp. Marcelo Reyes, hepe ng Manila Police District-General Assignment Section, sinabi ng biktimang si Edwin Godoy, 35 ng Block 28, Lot 4 South Square Subd., Pasong Kawayan 2 Gen. Trias, Cavite na sinapak siya sa panga at tinadyakan ni Dr. Carlo Santella.
Naganap umano ang insidente dakong alas-3 ng hapon. Ipinasok niya dakong alas-7 ng umaga sa nasabing ospital ang kanyang ina na si Bebita Gutierrez na may sakit na diabetes.
Habang nakahiga ang kanyang ina sa stretcher ng ER na may nakakabit na dextrose upang i-admit nang dumating si Santella at sinabihan siya na “Alisin mo ang nanay mo rito, ilipat siya” at ibinaba umano ang nakakabit na dextrose.
Dahil nakita umano ng nakatalagang nurse na nakababa ang dextrose sa tabi ng kanyang ina, sinita siya kaya nangatwiran na hindi siya ang may gawa kundi si Santella.
Ikinagalit umano ni Santella ang pagturo sa kanya ni Godoy kaya sinabihan siya na “Ano pa problema mo, lumabas ka nga rito?” Nagtalo sina Godoy at Santella.
Habang inilalabas umano siya ng pulis na nakatalaga sa PGH, hinabol pa siya ng tadyak at sinapak sa panga ng duktor.
Dahil busy pa, kahapon lamang nagawang magreklamo ng biktima sa pulisya.