School director, patay sa ambush
MANILA, Philippines - Patay ang isang direktor ng isang vocational school matapos na pagbabarilin ng isa sa dalawang armadong kalalakihan habang ang una ay nasa loob ng kanyang sasakyan kasama ang kanyang misis sa lungsod Quezon kamakalawa.
Bagama’t maraming bala ang pinakawalan ng mga suspect sa sasakyan, isang tama lamang ng bala sa dibdib ang tumama at tumapos sa buhay ng biktimang si Alvin Asuncion, 30, director sa administrative services ng Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology (Earist), at residente ng Malta St., Phase 5, Pleasant Hills Subdivision, Brgy. San Jose del Monte Bulacan.
Agad namang nagsipagtakas ang mga suspect sakay ng isang owner-type jeep na walang plaka matapos ang pamamaril.
Nangyari ang insidente sa may G. Araneta Avenue malapit sa Kaliraya St., Brgy. Tatalon ganap na alas 7:15 ng gabi. Sinasabing nasa loob na ng kanyang Isuzu Crosswind (XBU-800) kasama ang asawang si Melba at inaayos nito ang kanyang seatbelt nang biglang sumulpot ang mga suspect sakay ng nasabing jeep.
Isa sa mga suspect ang biglang bumaba ng jeep at lumapit sa sasakyan ng biktima saka pinagbabaril nito ang huli.
Naniniwala ang awtoridad na tanging si Asuncion lang ang target ng nasabing mga suspect dahil mismong ang lugar lamang nito ang pinuntirya ng suspect sa pamamaril.
Ayon kay Garnace, posibleng may kinalaman sa trabaho ng biktima ang ugat ng pamamaril, dahil base sa kanyang pagsisiyasat, bago nito ay may nakaaway umano ito sa kanyang trabaho.
Gayunman, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng otoridad sa nasabing insidente.
- Latest
- Trending