MANILA, Philippines - Matigas ngayon ang pagtanggi ng pamahalaang lungsod ng Taguig sa paglipat kay Maguindanao masaker suspek Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. sa Camp Bagong Diwa Jail mula sa National Bureau of Investigation detention cell.
Tinawag ni Taguig City Mayor Freddie Tinga na “clear and present danger” o malaking banta sa kapayapaan ang paglilipat sa mga Ampatuan sa lungsod.
Ito’y makaraang ipag-utos ng Korte Suprema ang paglilipat kay Ampatuan Jr. sa Camp Bagong Diwa Jail na pinamamahalaan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) saTaguig City. Ito’y dahil bagong “renovate” ang gusali kung saan naroroon na rin ang espesyal na korte na didinig sa kaso ng mga Ampatuan kaugnay ng masaker sa Maguindanao.
Ikinatwiran naman ni Tinga na may 200 metro lamang ang Camp Bagong Diwa sa Brgy. Maharlika, isa sa pinakamalaking Muslim community sa bansa, na maaaring magdulot ng kaguluhan sa mga residente.
Ipinaliwanag pa ni Tinga na noong 2001, sa kabila ng pagkontra nila sa paglilipat sa mga miyembro ng Abu Sayyaf na ikulong ang mga ito sa Camp Bagong Diwa ay itinuloy ito. Noong Marso 2005, isang tangkang “jail break” ang naganap kung saan naging marahas at madugo ang engkuwentro sa pagitan ng mga rebeldeng preso at mga pulis.