MANILA, Philippines - Pinasabog ng hindi pa nakikilalang mga suspect ang sports utility vehicle ng isang huwes ng Manila Regional Trial Court sa tapat ng kanyang bahay kahapon ng umaga sa Taytay, Rizal.
Dakong alas-6 ng umaga nang sumambulat ang itim na Honda CRV na may special plate na 16-NCR 26 sa tapat ng bahay ni Manila RTC branch 26 Judge Silvino Pampilo Jr. sa Terrece Drive sa Palmera 3 Subd., Brgy. Dolores ng nabanggit na bayan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Taytay police, may lima hanggang 6 na bomba ang ikinabit sa sasakyan at gumamit ng cellular phone bilang “triggering device”.
Bago ito lima hanggang anim na lalaki ang nakitang kahina-hinalang umaaligid sa tapat ng bahay ng huwes kamakalawa ng gabi.
Hindi naman agad matukoy ni Pampilo kung sino ang nasa likod ng pagsalakay sa kanya. Masyado umanong maraming “death threats” na siyang natatanggap sa mga kasong hinawakan.
Kabilang dito ang pag-absuwelto niya kay retired Gen. Jovito Palparan sa “extra-judicial killings” noong 2008, kaso ng “Sulplicio Lines na 800 katao ang nasawi, petisyon ng Social Justice Society na humihiling sa pagbukas sa libro ng mga dambuhalang kompanya ng langis, mga kaso ni First Gentleman Mike Arroyo at ang pinakahuli ay ang pagdeklara na “unconstitutional” ang paglikha sa Presidential Anti-Smuggling Group (PASG).
Naniniwala rin ang judge na may kaugnayan din ang pagpapasabog sa kanyang sasakyan sa pambobomba rin sa sasakyan ni Agapito Mendoza sa Marikina City. Si Mendoza ang pangulo ng isang trucking association na nangungunang bumabangga sa PASG.
Ang ‘dissolve order’ umano sa PASG ang nakikitang dahilan ni Judge Pampilo kaya pinasabog ang kanyang sasakyan.
Magugunitang sa kanyang ruling sinabi ni Pampilo na ang trabaho ng PASG ay duplicate na ng trabaho ng Bureau of Custom (BOC).