MANILA, Philippines - Hinamon ni Makati mayoralty bet Jejomar Erwin Binay si Vice Mayor Ernesto Mercado na gayahin ang halimbawa ng presidential bet nitong si Manny Villar at boluntaryong sumailalim sa pagsusuring medikal upang patunayan ang kakayahang maging alkalde.
Ayon kay Binay, hindi maaaring balewalain ni Mercado ang patuloy na kuwestiyon tungkol sa kalusugan niya, lalo pa at may medical history na inoperahan sa Stanford University Medical Center sa Amerika.
Sinabi ng batang Binay na handa siyang sumailalim sa anumang pagsusuri. Aniya, karapatan ng mga taga-Makati na malaman kung malusog ang isip at katawan ng isang kandidato.
Giit naman ni Lito Anzures spokesman ni Binay na posibleng problema sa kalusugan ang dahilan ng paiba-ibang desisyon ng Vice mayor at tinukoy ang iba-ibang posisyon nito sa mga isyu.