MANILA, Philippines - Upang maiwasan ang anumang pag-abuso sa kapangyarihan at pagmamalabis sa mga Manilenyo, magtataguyod ng “hotline” si Manila Mayoralty bet Lito Atienza upang direktang makapag sumbong sa kanya ang mga taga-lungsod.
Ayon kay Atienza, layunin ng itatayo niyang hotline ay upang direktang makapagsumbong sa kanya lalo na ang mga maliliit na negosyante tulad ng vendors, pedicab at tricycle drivers, at iba pa.
Sa pamamagitan umano ng hotline ay kaagad na makakatawag o makakapag-text sa kanya ang mga Manilenyo upang makapagparating ng reklamo o sumbong.
Paliwanag pa ng alkalde diretso na niyang makukuha at mabilis na maaaksyunan ang mga sumbong sa halip na dumaan pa sa kung sinong tao.
Sinabi pa ni Atienza na bukod sa mabilis na aksyon sa mga sumbong, maiiwasan din nito ang pang aabuso kahit na ng kanyang sariling mga tauhan at maiwasan ang pangongotong at illegal collections, pagpapahirap at pang-aapi.