Number coding sa Makati, babaguhin
MANILA, Philippines - Papayagan na makabiyahe sa Makati City ang mga sasakyan kahit na coding ang mga ito.
Gayunman, maaari lamang silang bumiyahe sa lungsod mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.
Ayon kay Makati Vice Mayor at Mayoral candidate Ernesto Mercado, ang pagbabago ng polisiya kaugnay sa number coding ng MMDA ay bahagi ng kanyang “reform package” na ipagkakaloob sa mga residente ng Makati sakaling mahalalal bilang alkalde.
Sinabi pa nito na mamarapatin din niyang makikipagtulungan sa MMDA para na rin sa pagkakaroon ng maayos na daloy ng trapiko na kung saan ay matagal na ring panahon na nakipagmatigasan dito si Makati Mayor Jejomar Binay.
Inamin ni Mercado, naging mahigpit ang Makati sa pagpapatupad ng number coding para masigurong maiibsan ang trapik sa lungsod subalit mas lalo pa itong lumala at naging daan sa korupsyon dulot ng tiwaling traffic entorcers.
Naniniwala ito na maraming dapat ayusin sa pagsasaayos ng trapiko at tiwala ito na sa mga traffic expert na mag-aaral ukol dito.
Magugunita, ang number coding scheme ay unang ipinatupad noong 1995 alinsunod sa MMDA regulation na kung saan hindi maaaring bumiyahe ang motorista sa partikular na araw, base sa huling numero ng kanilang plaka mula alas-7 hanggang alas-10 ng umaga at alas-3 hanggang 7 ng gabi.
Pero, matigas ang mga opisyal ng Makati na hindi nagpatupad ng ‘window’ kaya kung coding ang sasakyan ay buong araw mo itong hindi pwedeng idaan sa lungsod.
- Latest
- Trending