MANILA, Philippines - Dalawang insidente ng pamamaril na pinanini walaang may kaugnayan sa lokal na halalan ang naganap sa Taguig City kung saan isang barangay tanod ang nasugatan nitong nakaraang Linggo.
Sa ulat ng Taguig police, dalawang armadong lalaking sakay ng isang motorsiklo ang nagpaulan ng bala sa tapat ng barangay hall ng Tanyag Proper dakong alas-12:25 noong Linggo ng madaling-araw kung saan tinamaan ng bala sa braso ang tanod na si Emerito Bailon.
Nauna rito, dalawang armadong lalaki rin ang nagpaputok sa bahay ni Lt. Ignacio Cabatic, pangulo ng tricycle TODA at naninirahan sa no.315 Midel Street, Zone 3, Brgy.Central Signal Village. Nabatid na pinagbawalan umano ni Cabatic ang kanyang mga miyembro sa TODA na magpaskil ng posters ng isang kandidato sa Kongreso sa lungsod.
Nanawagan naman si Taguig Mayor Freddie Tinga sa kanyang mga kalaban sa eleksyon na huwag naman sa karahasan idaan ang kanilang kampanya sa halalan sa pananakot sa kanyang mga lokal na lider. Mas nararapat umano na ipakita na lamang ang kanilang plataporma at mga nagawa na sa mga mamamayan ng Taguig kaysa sa puro pananakot ang gagawin.