MANILA, Philippines - Paiimbestigahan ni LTO Chief Alberto Suansing ang ginawang direct connectivity ng IT provider ng ahensiya na Stradcom Corporation sa mga Pri vate Emission Test Center (PETC) sa pag-upload ng dokumento ng mga naipasuring sasakyan na irerehistro rito.
Ayon kay Suansing, nais niyang malaman kung talagang nakakatulong sa ahensiya ang hakbang na ito o nagpapalala lamang sa kundisyon ng polusyon sa hangin.
Una nang napaulat na dumami na naman ang bilang ng mga mauusok na sasakyan dahilan sa direct connectivity ng Stradcom at PETC at hindi na nito (PETC-IT) nabubusisi ang rekord ng mga sasakyan na dumaan sa emission test.
Sinasabing dahil sa sistemang ito na pinatupad ni dating LTO Chief Arturo Lomibao, umaabot ng hanggang alas-7 ng gabi ang transaksyon sa direktang pagkonekta ng ilang PETC sa Stradcom gayung dapat ay hanggang alas-4 ng hapon lamang ito alinsunod sa regular na transaksiyon sa LTO.
Ang usok ng mga sasakyan ang number 1 pollutant sa bansa partikular sa Metro Manila na isa sa dahilan sa pagdumi ng kapaligiran at climate change.