MANILA, Philippines - Isang marketing officer ng Goverment Service Insurance System ang natangayan ng aabot sa P5 milyong halaga ng mga alahas ng kilabot na grupong “Dugo-dugo” gang matapos na maloko ng mga suspek ang katulong ng biktima ng kanilang modus operandi sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Ito ang nabatid makaraang dumulog sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detective Unit ng Quezon City Police sa Camp Karingal ang bikti mang si Alicia Rivadero, 56, dalaga, ng 79, Road 2, Project 6, sa lungsod upang magreklamo.
Sa reklamo ng biktima ay ipinaaresto din nito ang katulong na si Luz Corona-Loyaca, 31, may-asawa, at stay-in sa kanyang tahanan.
Base sa pagsisiyasat ni PO3 Joy Marcelo, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente nang isang lalake ang umano’y tumawag sa tahanan ng biktima at makausap ni Loyaca nitong Sabado ng umaga.
Bago nito, ayon sa biktima, Biyernes ng umaga ay umalis sila ng kanyang pamilya patungong Zambales para sa dalawang araw na outing.
Sa panayam kay Loyaca, nakausap umano niya sa telepono ang isang babae at nagsabing kaibigan siya ng kanyang amo at nangangailangan ito ng pera dahil nasangkot sa vehicular accident.
Sa pag-aakalang totoo, wala umano siyang nagawa kung hind sundin ang utos ng babae na kunin ang gamit ng amo sa drawer at, dahil walang susi, sinabihan siya ng huli na sirain na ito hanggang sa makuha niya ang mga alahas at dalhin sa Muñoz na sinabi nitong sila’y magkikita.
Pagsapit sa lugar ay inabot na lang niya ang alahas na nakalagay sa bag sa isang lalakeng nagpakilalang Jerry Reyes na lumapit sa kanya saka umalis ito at sumakay ng bus.
Pero bago umalis, sinabihan pa umano siya ng lalake na maghintay sa isang restawran ngunit tumagal nang ilang oras na hindi na bumalik ang la laki kaya nagpasya siyang sumakay sa taxi papauwi.
Nalaman na lang umano niyang nabiktima siya ng Dugo-dugo gang nang ikuwento niya ang pangyayari sa taxi driver.