MANILA, Philippines - Sa kabila ng mga black propaganda, tiwala si Liberal Party mayoralty candidate at Quezon City Vice Mayor Herbert Baustista na mananalo siya sa eleksiyon.
Nangunguna si Bautista sa survey ng Social Weather Station noong nakaraang buwan na, rito, may 73 porsiyento ang kanyang nakuha laban sa kanyang kalaban na si Mike Defensor na may 11 porsiyento.
Ayon kay Bautista, posible ding matalo si third district Rep. Matias Defensor na may 30 porsiyento dahil nananatili ding nangunguna ang kalaban nitong si Councilor Bolet Banal na may 35 percent rating.
Sinabi ni Bautista na nagpa-panic na rin ngayon ang kampo ni Defensor kaya kung anu-anong mga black propaganda ang ginagawa nito laban sa kanya kabilang na ang pagsasampa ng graft at estafa charges tulad ng ginawa nito sa whistleblower Jun Lozada.
Gayundin, maging si LP vice mayoral candidate Joy Belmonte ay may kumpiyansa dahil may 58 percent ito kumpara sa kalaban nitong sina councilors Aiko Melendez at Janet Malaya na may 17 at 15 percent ayon sa pagkakasunod.