MANILA, Philippines - Trahedya ang sinapit ng dapa’t sanay masayang outing ng isang empleyado ng Commission on Elections makaraang masawi ito nang malunod sa nirentahang private pool kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.
Nakilala ang nasawi na si Roneillo Pelino, 28-anyos, residente ng Phase 6, Ilang-Ilang Street, Camarin ng naturang lunsod.
Sa ulat ng Caloocan police, nirentahan ng grupo ni Pelino ang pribadong swimming pool sa Main Road, Phase 6, Camarin kamakalawa.
Dakong alas-4 ng hapon nag-alisan na ang grupo subalit hindi napansin ng mga ito na hindi na nila kasama sa pag-uwi ang biktima.
Pumalit sa grupo ni Pelino ang mga miyembro ng Marriage Encounter religious group na siyang nakakita sa bangkay ng biktima sa swimming pool na naging dahilan upang itawag sa mga pulis.