MANILA, Philippines - Pagnanakaw ang isa sa anggulong iniimbestigahan ng pulisya matapos barilin at patayin ang isang 12-anyos na batang lalaki ng kanyang kaibigan na isa ring binatilyo sa Caloocan City kahapon.
Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan sanhi ng tama ng bala sa dibdib ang biktima na kinilala sa pangalan nitong alyas “Totoy”. Nasa custody naman ng DSWD ang sus pek at kaibigan nitong itinago sa pangalang Jun, 17, ng Tambakan Road, ng nabanggit na lugar.
Sa inisyal na report, dakong ala 1:25 ng hapon nang matagpuan ang biktima na duguang nakahandusay sa loob ng bahay ng suspek.
Napigil naman ng mga tanod ang papatakas na sanang si Jun at dala nito ang isang bag na may lamang P66,000 cash, hindi pa batid na halaga ng dollars at isang .9mm kalibreng baril. Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.