Nagalit nang masingil: Bala bayad ng pulis sa landlord
MANILA, Philippines - Nasa balag ng alanganin ang isang pulis na nakatalaga sa Southern Police District (SPD) matapos barilin ang kanyang landlord na naniningil umano ng renta ng bahay, kahapon ng madaling-araw, sa Pandacan, Maynila.
Inatasan ni Manila Police District-General Assignment Section (MPD-GAS) chief, C/Insp. Marcelo Reyes ang kanyang mga tauhan upang tugisin si PO1 James Patulot, dating pulis-Maynila, ng Beata St., Pandacan, Maynila matapos ireklamo sa pamamaril sa biktimang si Roland Febiar, 37, may-ari ng apartment na inookupahan ni Patulot.
Nabatid na dakong alas-4:20 ng madaling- araw nang tiyempuhan umano ng biktima ang pulis upang pagsabihan na bakantehin na lamang ang bahay dahil sa hindi nito mabayaran ang halos 6 na buwang pagkakaantala sa pagbayad ng renta.
Ang usapan ay nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa magbunot na umano ng service firearm ang suspek at paputukan ang biktima. Nang bumulagta ang biktima ay agad sumakay ng kaniyang motorsiklo ang suspek habang ang biktima ay isinugod ng kanyang kapatid sa Philippine General Hospital (PGH).
Nabatid na apat na bala ang tumama sa katawan ng biktima, na kasalukuyang isinasailalim sa surgical opera tion. Inihahanda na ang kasong frustrated homicide laban sa suspek.
Base sa beripikasyon ng MPD-GAS, hindi bagito ang nasabing pulis na may ranggong PO1 at dating naka-assign na ito sa MPD-Special Weapon and Tactics (SWAT).
- Latest
- Trending