MANILA, Philippines - Pumanaw na ang kontrobersyal na “self-confessed killer” ng aktres na si Nida Blanca sa Pasig City General Hospital dahil sa pagkalason sa dugo, kamakalawa ng gabi.
Kinumpirma kahapon ni Dr. Allan Custodio, ng PCGH, ang pagpanaw ni Medel dakong alas-8:45 ng gabi dahil sa “sepsis secondary to pneumonia”. Ang “sepsis” ay uri ng sakit ukol sa pagkalason ng dugo o ibang bahagi ng katawan dahil sa mikrobyo na dinagdagan pa ng kumplikasyon sa baga.
Sinabi nito na nang isugod si Medel sa pagamutan ay hirap na hirap itong huminga. Hindi na rin umano ito tumutugon sa mga manggagamot at pumanaw sa ward ng pagamutan habang naghihintay ng bakanteng “intensive care unit (ICU)”.
Nabatid din na una nang isinugod nitong kaagahan ng Linggo si Medel sa pagamutan dahil sa pananakit ng dibdib at may kasaysayan din ito ng “hypertension” o mataas na presyon ng dugo. Sinabi naman umano ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na may dalawang linggo nang mahina si Medel sa kulungan at tumatanggi nang kumain.
Matatandaan na si Medel ang umaming siyang pumaslang kay Nida Blanca (Dorothy Jones sa totoong buhay) noong taong 2001. Natagpuan ang bangkay ni Jones sa loob ng kanyang kotse sa Atlanta Center sa San Juan City. Binawi naman ni Medel ang pag-amin kung saan iginiit nito na tinorture lamang umano siya ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) para umamin.