3 mag-uutol patay sa lunod
MANILA, Philippines - Tatlong magkakapatid na lalaki ang iniahong pawang mga bangkay mula sa pagkalunod sa loob ng abandonadong gusali na puno ng tubig na dala ng bagyong Ondoy, sa Binondo, Maynila, kahapon ng hapon.
Nabatid na 24 oras na ang nakalipas bago pa maiahon ang mga bangkay nina Marlo Gardego, 21; Edwin Gardego, 34; at Arnulfo Gardego, 30 na pawang nalunod sa binahang basement ng Carlito Puyat Building na matatagpuan sa panulukan ng Escolta at Burke Sts., Binondo, Maynila (dating Syvels dept. store), kung saan caretaker umano ng gusali ang pamilya nila.
Sa ulat ni Det.Paul Dennis Javier ng Manila Police District-Homicide Section, dakong ala-1 ng hapon nang marekober ang bangkay ng magkakapatid sa loob ng binahang Carlito Puyat Bldg. matapos mabawasan ng mga rumespondeng bumbero ang tubig-baha sa loob ng gusali.
Nabatid na ala-1 kamakalawa ng hapon pa nang unang mawala at malunod si Marlo, habang gumagawa umano ng kulungan ng manok sa basement ng naturang building, na pinaniniwalaang nadulas at mahulog sa tubig na may 14 talampakan ang lalim.
Nang hanapin umano ng ina nilang si Editha si Marlo upang mananghalian ay hindi makita kaya ipinahanap sa isa pang anak na si Edwin.
Nagpasya umanong lumusong sa tubig si Edwin sa baha dahil sa nakitang marka na may nadulas sa isang bahagi ng basement. Hindi na rin umano umahon si Edwin kaya mas nataranta ang ina nila at tinawagan ang dalawa pang anak na lalaki mula sa Cavite upang tumulong sa paghahanap.
Dakong alas-6 ng hapon nang dumating sina Arnulfo at Romulo sa gusali at sila naman ang lumusong upang hanapin ang dalawang kapatid subalit si Romulo na lamang ang nakaahon.
Dahil sa pangyayari, agad namang nagpasaklolo si Romulo at si Aling Editha sa Philippine Coast Guard (PCG) na umabot sa ilang oras ay hindi natagpuan ng frogmen ang magkakapatid.
Dakong ala-1 kahapon ng tanghali nang marekober ang bangkay ng tatlong magkakapatid.
- Latest
- Trending