Buhay bayad sa utang
MANILA, Philippines - Buhay ang siningil na bayad ng isang miyembro ng kilabot na “Sigue-Sigue Sputnik” sa kanyang kakosa matapos na magtalo tungkol sa utang ng huli sa una na hindi nababayaran sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Kinilala ang nasawi na si Jomar Christian Pingol, 24, ng San Vicente St., Brgy. Damayan, San Francisco del Monte sa lungsod. Natukoy naman ang suspect sa pangalang Lester na may alyas na Domingo at isa pang hindi nakikilalang lalake na ngayon ay target na ng pagtugis ng pulisya.
Ayon kay PO3 Manuelito Juanson, may-hawak ng kaso, ang biktima at suspect na si Lester ay dating bilanggo sa Quezon City Jail at magkakosa sa SSS.
Bago nangyari ang pamamaslang, nagkaroon umano ng pagtatalo ang biktima at si Lester kung saan nauwi pa sa panunutok ng baril ng huli sa una dahil sa utang na hindi niya nababayaran.
Ganap na alas-8:30 ng gabi habang ang biktima at kinakasama nitong si Sellie Villanueva ay naglalakad papauwi nang harangin sila ng isang hindi nakikilalang lalake at tinangka itong saksakin na agad naman niyang nasangga.
Sa puntong ito, sumulpot si Lester na armado ng hindi mabatid na kalibre ng baril at biglang pinaputukan ang biktima sa likod na naging dahilan ng kamatayan nito.
Mabilis namang tumakas si Lester kasama ang kasabwat. Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.
- Latest
- Trending