Madre pumalag sa holdap, binoga
MANILA, Philippines - Sugatan ang isang 59-anyos na madre nang barilin ng isang holdaper makaraang tumanggi ang una na ibigay ang dalang bag na naglalaman ng pera na pampasahod sa mga kawani ng pinag sisilbihang kumbento, sa Sta. Ana, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Kasalukuyang inoobserbahan pa sa Makati Medical Center ang biktimang si Sister Theresa Thomas Folanchery, Indian national, ng Sisters of Charity of Saint Anne, na matatagpuan sa 2383 Tejeron St., Sta. Ana.
Sa ulat ng pulisya, ini-report lamang ang insidente sa pulisya ni Sister Rolita Nuevaespana, kasamahang madre ng biktima kahapon ng umaga.
Nabatid sa report kamakalawa na dakong alas-2 ng hapon nang maganap ang insidente sa harap ng nasabing kumbento.
Matapos umanong mag-withdraw ng halagang P95,000. ang biktima sa banko at naglalakad pabalik sa kumbento ay biglang sumalakay ang suspect na lulan ng motorsiklo at tinangkang agawin ang bitbit na bag ng madre. Nakipaghilahan pa ang madre sa bag kung kaya binaril ito ng suspect saka tuluyang naagaw ang pakay at saka mabilis na tumakas.
Bukod pa sa bag ay tinangay din umano ang dalang cellular phone, ATM card at pass book ng biktima.
- Latest
- Trending