Janitor nagbigti dahil sa kahirapan
MANILA, Philippines - Dala umano ng kahirapan at kawalan ng perang panustos sa mga magulang na maysakit, minarapat ng isang janitor sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na tapusin ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbibigti kahapon ng umaga sa Quezon City.
Ang biktima ay kinilalang si Elvis Atiga, 39, empleyado sa Bureau of Research and Standard ng DPWH at residente ng Dama de Noche St., Brgy. Central, ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa ulat, si Atiga ay natagpuang nakabitin ng kanyang mga kasamahan sa likuran ng canteen ng nasabing kagawaran na matatagpuan sa EDSA, Brgy. Pinyahan pasado alas-6 ng umaga.
Sa pagsisiyasat, huling nakitang buhay ang biktima nitong Lunes ganap na alas-4 ng hapon habang naglilinis ng isang sasakyan ng ahensya.
Bago ang pagpapakamatay ng biktima ay naibulalas umano ng nasawi ang problemang dinadala niya sa kanyang mga maysakit na magulang na nasa Pangasinan.
Gayunman, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente upang mabatid kung may foul play na naganap dito.(Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending