Ivler inilipat na sa Quezon City jail
MANILA, Philippines - Matapos ang halos 3 buwang pagkaka-confine sa ospital, inilipat na sa Quezon City jail ang road rage suspect na si Jason Ivler kahapon.
Si Jason Ivler, suspect sa pagpatay sa anak ng opisyal ng Malakanyang na si Renato Ebarle Jr., ay inilipat sa nasabing bilangguan base sa court order na ipinalabas ni QC-RTC Branch 26 Judge Alexander Balut.
Ang paglilipat kay Ivler ay matapos na katigan ng korte ang pahayag ng mga manggagamot mula sa Quirino Memorial Medical Center na hindi na umano delikado ang kalagayan nito para ilipat sa kulungan.
Nakasuot ng puting t-shirt at asul na shorts sakay ng Ford Explorer nang dalhin sa QC jail si Ivler, kasama ang tropa ng NBI sakay ng pito pang sasakyan ganap na alas-2:30 ng hapon.
Kasama rin sa naghatid ang ina ni Ivler na si Marlene Aguilar at ang attending physician nitong si Dr. Romeo Abary para matiyak ang kalagayan ng pasyente. Pasado alas-3 ng hapon nang marating ng grupo ang QC jail.
Samantala, umalma naman si Marlene sa naging desisyon ng korte hinggil sa paglilipat sa anak.
Naniniwala si Marlene na na-pressure lang ng gobyerno ang korte para magdesisyon itong mailipat ang anak sa kulungan.
Kasabay nito, nagbanta rin ito na magsasagawa ng walang humpay na pagmamartsa sa buong paligid ng lungsod laban sa itinuturing niyang hindi makataong gobyerno.
Samantala, si Ivler ay makakasama ng 22 preso sa international cell ng bilangguan, malapit sa center para agad na ma-check ang mga sugat nito.
Ang selda ay may double deck na kama at common comfort room na akma lamang para galawan ng 23 preso na karamihan ay mga dayuhan.
- Latest
- Trending