Makati City nais ilagay sa Comelec control
MANILA, Philippines - Irerekomenda ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) na ipasailalim na sa kontrol ng Commission on Elections (Comelec) ang Makati City upang masawata ang posibleng paglala pa ng sitwasyon sa karahasan sa naturang lungsod dahil sa mainit na labanan sa lokal na politika.
Sinabi ni NCRPO chief, Director Roberto Rosales na isa ito sa kaniyang inirekomenda sa pakikipagpulong niya kahapon kay Comelec NCR Regional Director Michael Dioneda.
“Hindi na natin mahihintay na may maganap pa bago natin irekomenda ang City of Makati o kahit iba pang lugar sa Metro Manila sa Comelec control upang mapigilan ang posibleng karahasan at iba pang paglabag sa batas,” ayon kay Rosales.
Binibigyang halaga rin ni Rosales ang rekomendasyon ni Mayor Jejomar Binay na ilagay sa Comelec control ang lungsod makaraang ang pamamaril kay Gerry Limlingan sa Cainta, Rizal at pamamaslang kay Bernardo Olarte. Ang dalawa ay kapwa tagasuporta ng pamilyang Binay sa lungsod ng Makati. Magandang senaryo rin umano ang pagpabor ni Vice-Mayor Ernesto Mercado na isailalim ang lungsod sa Comelec control kaysa sa magkaroon ng “failure of elections”.
Sa kabila naman nito, nilinaw ni Rosales na ang mga lungsod ng Makati, Manila, Quezon City, Pasay, Taguig, Muntinlpa at Paranaque ay hindi pa kinaklasipika na “election hotspots o areas of concern” ngunit mga lugar lamang na kanilang masusing inoobserbahan dahil sa init ng labanan sa politika. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending