BaÂrangay chairman todas sa barker
MANILA, Philippines - Patay ang isang barangay chairman makaraang barilin ng isang barker dahil lamang umano sa hindi pagkakaunawaan sa tong collection sa isang illegal terminal sa Caloocan City kahapon ng umaga.
Hindi na umabot nang buhay makaraang isugod sa Manila Central University (MCU) Hospital ang biktimang si Brgy. Chairman Roger Puson, ng Barangay 89 at nakatira sa Asistio St., ng naturang lungsod sanhi ng tinamong ilang tama ng bala ng sumpak sa katawan.
Sumuko naman at nakapiit na sa Caloocan City Police ang suspek na si Garry Bumbay, 30, at kalugar ng biktima.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-8:30 ng umaga sa isang pilahan ng jeep na matatagpuan sa kahabaan ng Asistio St., ng nabanggit na barangay habang nakatayo ang suspect nang lapitan umano at biglang sapakin ng nasawing barangay chairman. Dito umano nagdilim ang paningin ng suspect at kinuha ang nakatagong sumpak saka pinaputok sa biktima.
Nauna rito, kinuha umano ng isang grupo ng mga jeepney driver ang suspect para maging taga-lista sa illegal terminal at ang ipapasuweldo rito ay kukunin sa bahagi ng ibinibigay ng mga driver kay Puson.
Hindi umano pumayag ang barangay chairman kung kaya siya (suspect) ang pinag-initan nito.
Mariin namang itinanggi ng mga kaanak ng nasawi ang mga akusasyon ng suspect.
Isinantabi na rin ang anggulong may kinalaman ang krimen sa pulitika, gayunman tinitingnan naman ang anggulong may dati nang alitan ang dalawa.
- Latest
- Trending