Kawani inutas ng akyat-bahay
MANILA, Philippines - Isang kawani ng telecommunications company ang natagpuang patay na nakatarak pa ang patalim sa batok sa loob ng kanyang apartment noong Biyernes Santo sa Quezon City.
Kinilala ng pulisya ang napaslang na si Mabini Marte, 25, kawani ng Smart Communications sa Area 1, Republic Avenue, Brgy. Holy Spirit, Quezon City.
Nabatid na ang biktima ay kasama ng kanyang kapatid na si Theresa sa apartment ngunit nasa bakasyon ito.
Tinangay ng akyat-bahay ang laptop at cell phone ng biktima.
Ayon sa pulisya, si Marte ay natagpuan ng kanyang utol na si Mae Marte sa loob ng apartment bandang alas-5 ng hapon.
Nakatusok pa ang kutsilyo sa batok ng biktima, habang may dalawang iba pang patalim sa tabi nito nang matagpuan ng kanyang kapatid.
Napag-alamang ilang beses na nag-text at tinawagan ni Mae ang kanyang utol ngunit hindi ito sumasagot. Kaya naman nang hindi ito tumutugon sa kanilang tawag ay nangamba na si Mae at nagpasyang puntahan na lamang ito sa tinutuluyan para alamin ang sitwasyon.
Bumulaga kay Mae ang kapatid na duguang nakahandusay kung saan kaagad namang ipinabatid sa pulisya ang insidente. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending