Binata dedo sa mag-utol
MANILA, Philippines - Butas ang katawan ng isang binata matapos na barilin ng isa sa magkapatid na miyembro ng Bahala na Gang dahil lamang sa pagtatalo sa bull cap sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang nasawi na si Ryan Tuzon, 27, helper at residente ng Victory St., Brgy. Tatalon sa lungsod.
Agad namang naaresto ang isa sa mag-utol na suspect na si Jayvee Viado, 22, binata ng Brgy. Tatalon; habang tinutugis naman ang kapatid nitong si Emerson, 19, na siyang itinuturong bumaril sa biktima.
Ayon sa ulat nangyari ang insidente sa may Victory St., corner Kaliraya St., ng nasabing barangay ganap na alas-4 ng madaling-araw.
Bago nito, nagsumbong umano ang isang Aries Balagot sa biktima at kaibigan nito na sina Jomer Garcia, Mark Jason, at John Paul Saturnino dahil inagawan siya ng “bull cap” ng tropa ng suspect.
Dahil dito, nagpasya ang grupo ng biktima na puntahan ang grupo ng suspect para komprontahin hingil dito at bawiin na rin ang cap.
Nauwi sa mainitang pagtatalo ang pag-uusap hanggang sa magbunot umano ng kalibre 38 baril si Emerson at paputukan ang biktima sa likod.
Bagama’t sugatan ay nagawa pang makasabay ng takbo ang biktima sa mga kaibigan, ngunit di kalayuan ay bumuwal din ito. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending