MANILA, Philippines - Pagkakataon na ng Light Rail Transit Authority (LRTA) at Metro Rail Transit Authority (MRTA) na makumpuni ang dumarami nilang train units na tumitirik sa biyahe ngayong Semana Santa.
Pinaalala kapwa ng LRTA at MRTA na tigil ang kanilang operasyon sa loob ng apat na araw mula ngayon (Huwebes Santo) hanggang Linggo (Pasko ng Pagkabuhay). Muling magbabalik sa operasyon ang dalawang train units sa Abril 5 (Lunes).
Nabatid na matagal nang pinuputakti ng reklamo buhat sa mga pasahero ang LRTA dahil sa halos araw-araw na pagtirik ng kanilang mga train na dahilan ng pagkahuli sa trabaho, appointments, at klase ng mga pasahero.
Bumabagtas ang LRT Line 1 mula Baclaran, Parañaque City hanggang Balintawak, Quezon City; Line 2 mula Santolan, Pasig City hanggang Recto Avenue sa Maynila. Binabagtas naman ng MRT ang kahabaan ng EDSA mula Taft Avenue sa Pasay City hanggang North Avenue sa Quezon City.
Suspendido rin naman ang operasyon ng Philippine National Railways (PNR) mula Tutuban hanggang Biñan, Laguna hanggang Sabado de Gloria (Abril 3).
Nabatid na dagdag pa sa reklamo ng mga pasahero ang kahinaan ng airconditioning system, kawalan ng mga palikuran, escalator at elevator para sa mga may kapansanan sa mga istasyon ng LRT sa kabila na nakakatanggap ito ng pondo buhat sa gobyerno dahil sa pagiging subsidized nito. (Danilo Garcia)