Pulis, 1 pa timbog sa kotong
MANILA, Philippines - Naaresto ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang isang tiwaling pulis at isa pa nitong kasamahan na sangkot umano sa talamak na pangongotong at carnapping sa isinagawang entrapment operations sa Mandaluyong City.
Kinilala ni Acting PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Director P/Chief Supt. Leon Nilo de la Cruz ang mga nasakoteng suspect na sina PO3 Arthur Macapagal, nakatalaga sa Mandaluyong City Police at ang kasamahan nitong si Duane Manuel.
Ayon kay de la Cruz ang mga suspect ay inaresto sa entrapment operation sa motor shop sa # 454 Boni Avenue ng lungsod dakong alas-9 ng gabi kamakalawa.
Ang mga suspect ay inaresto matapos ireklamo ng isang Enrique Casal, dahil umano sa pag-impound sa kotse nitong isang 1967 Ford Mustang at paghingi sa kanya ng P 250,000.00 libong piso kapalit ng pagbabalik ng behikulo.
Gayunman, sa halip na magbayad, humingi ng tulong si Casal sa PNP-CIDG na siyang naglunsad ng entrapment operation at umaresto sa dalawa.
Nakumpiska mula sa naturang parak ang isang cal. 9 MM pistol na may 20 rounds ng bala,isang cal. 9mm pistol at anim na bala, 140 gramo ng high grade shabu, isang supot ng marijuana, anim na mamahaling sasakyan at tatlong mamahaling motorsiklo.
Nakuha naman mula sa pag-iingat ni Manuel ang isang cal .22 revolver at apat na rounds ng bala.
- Latest
- Trending