Sa ginawang mass leave ng 63 doktor: Operasyon ng PGH, hindi apektado

MANILA, Philippines - Tiniyak ng  Philippine General Hospital (PGH) na mana­natiling bukas ang pagamutan sa pagtanggap ng mga pasyente at ma­ging ngayong Holy Week sa kabila ng mass leave ng may 63 doktor. Ayon kay PGH spokesman Dr. Michael Tee, sapat naman ang kanilang mga pasilidad sa mga operating at emergency rooms. Sa katunayan aniya,  ang PGH ay may 650 common faculty members, 100 medical specialists, 260 medical interns, at 1,400 nursing staff. Nagsagawa ng mass leave ang may 63 doktor bilang protesta sa gina­wang pagpapatalsik kay Dr. Jose Gonzales bilang director  ng PGH. Pinalitan naman ito ni  Dr. Enrique Domingo. Sinabi naman ng mga nagpo-protestang mga doktor na ang kanilang pag­­kilos ay hindi naman magiging banta sa mga emer­gency cases ng os­pital. (Doris Franche at Ludy Bermudo)

Show comments