7 lungsod sa Metro Manila, idineklarang hotspots
MANILA, Philippines - Pitong lungsod sa Metro Manila ang idineklarang “election hotspot” ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) na inaasahang magiging magulo sa darating na halalan sa Mayo.
Tinukoy ni NCRPO chief, Director Roberto Rosales ang mga lungsod ng Maynila, Quezon, Makati, Pasay, Taguig, Muntinlupa at Parañaque.
Dahil dito inirekomenda naman ng NCRPO sa Commission on Elections na mapasailalim sa kontrol ng pulisya ang naturang mga lungsod upang matiyak ang seguridad at walang mangyayaring dayaan.
Ibinase ang pagtataya ng NCRPO sa init ng kompitensya ng mga naglalabang politiko, mga naganap na karahasan kaugnay ng halalan at pagbabangayan maging ng mga tagasuporta.
Matatandaan na una nang hiniling ni Makati Mayor Jejomar Binay sa Comelec na isailalim sila sa kanilang kontrol dahil sa nagaganap na sakitan sa pagitan ng kalabang kandidato ng kanyang anak na si Junjun Binay na tumatakbong alkalde. Mahigpit na karibal nito sina incumbent Vice-Mayor Ernesto Mercado at Erwin Genuino.
Matindi naman ang bangayan sa pagitan nina Vice-Mayor Herbert Bautista at dating Presidential Chief of Staff Mike Defensor na naglalaban sa pagka-alkalde ng Quezon City; matindi rin ang siraan kina Parañaque incumbent Mayor Florencio Bernabe at Rep. Eduardo Zialcita.
Umiiral naman ang paninira gamit ang isyu ng iligal na droga kontra kay dating Justice Dante Tinga ng Taguig habang nagbabalik ang bangayan nina Manila Mayor Alfredo Lim at Lito Atienza. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending